Nagbaba ng flash alarm ang Sta. Barbara Municipal Police Station kaugnay sa umano’y pagkawala ng isang mag-ina sa Barangay Poblacion Norte, bayan ng Sta. Barbara, na huling nakita noong umaga ng Enero 29, 2026.

Ayon kay PLt. Col. Michael Datuin, hepe ng Sta. Barbara Police Station, agad na inaksyunan ng kapulisan ang ulat matapos itong maireport sa himpilan bandang alas-1:35 ng hapon noong Pebrero 1, 2026.

Kinilala ang mga nawawalang indibidwal na sina Monaneth Alonzo Siray, 35 taong gulang, isang maybahay, at ang kanyang limang taong gulang na anak na si Calleb Maiden Ballesteros, kapwa residente ng Barangay Patayak.

--Ads--

Batay sa salaysay ng nag-ulat na si Carlos Mola Ballesteros, 35 taong gulang, bandang alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng umaga noong Enero 29, 2026 ay nagpaalam ang kanyang asawa na ihahatid lamang umano ang ibinebentang mais at babalik din kaagad, kasama ang kanilang anak.

Napag-alamang nagtungo ang mag-ina sa bahay ng tiyahin ni Monaneth sa Barangay Poblacion Norte kung saan pansamantala nitong iniwan ang kanilang traysikel bago umalis, subalit mula noon ay hindi na sila muling nakabalik.

Inilarawan si Monaneth na may taas na humigit-kumulang apat na talampakan at labing-isang pulgada, may mahabang buhok, at huling nakitang nakasuot ng kulay gray na jacket at pantalon.

Samantala, si Calleb ay huling nakitang nakasuot ng gray na shirt, jogging pants, at may payat na pangangatawan.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at paghahanap ng kapulisan katuwang ang iba’t ibang yunit at ang komunidad upang matukoy ang kinaroroonan ng mag-ina.

Hinikayat ang sinumang may impormasyon hinggil sa kanilang kinaroroonan na makipag-ugnayan sa pamilya sa o direktang tumawag sa Sta. Barbara MPS upang makatulong sa agarang pagresolba ng insidente.