Dagupan City – Sisimulan ngayong araw ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang deliberasyon kaugnay sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, mahalagang tiyakin na may ganap na transparency ang proseso upang mabigyan ang publiko ng malinaw na kaalaman kung paano sinusuri ng mga mambabatas ang impeachment complaint.
Aniya, nararapat na may “control seat” ang taumbayan sa ginagawang deliberasyon ng Kamara.
Tinawag naman ni Yusingco na isang overreaction ang naging halimbawa ng judicial overreach o panghihimasok ng Korte Suprema sa usaping saklaw umano ng lehislatura.
Paliwanag pa ni Yusingco, kapag naisumite na ang reklamo sa Office of the Secretary General ng Kamara, doon pa lamang dapat sinusuri kung may sapat na substansiya ang reklamo.
Hindi umano nararapat na agad itong ini-eendorso sa Office of the Speaker at sa Committee on Justice.
Dagdag niya, dapat magpaliwanag ang Secretary General kung bakit nangyari ang naturang hakbang.
Aniya, halos walang malaking pagkakaiba ang desisyon ng Korte Suprema at ang umiiral na rules ng House of Representatives, maliban sa ilang minor changes na itinuturing niyang katanggap-tanggap, gayunpaman, binigyang-diin niya na kailangang igalang at tiyakin ang due process sa kabila ng anumang pressure mula sa publiko.
Kaugnay nito, binanggit ni Yusingco ang kanyang pangamba sa patuloy na panghihimasok ng Korte Suprema, lalo na sa kapangyarihan nitong suriin ang grave abuse of discretion ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, marami umanong mamamayan ang hindi lubos na nauunawaan ang nilalaman ng Konstitusyon o Saligang Batas, kaya’t hindi rin aniya mainam ang mga panawagan para sa pag-amyenda nito o charter change nang walang sapat na kaalaman at malinaw na layunin.










