Dagupan City – Tinawag na pamumulitika ni Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, ang banta ng ilang senador na posibleng hindi dumalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil umano sa hindi pagsunod sa mga umiiral na batas at patakaran.

Ayon kay Yusingco, hindi malinaw kung ang naturang hakbang ay desisyon ng Minority Bloc o pahayag lamang ng ilang senador.

Gayunman, aniya, hindi angkop na gamitin ang boycott bilang protesta dahil lamang hindi nasusunod ang kanilang nais sa proseso ng paglilitis.

Binigyang-diin ni Yusingco na bilang mga senador na nagsisilbing hukom sa impeachment trial, tungkulin nilang gampanan ang kanilang responsibilidad at ilahad sa impeachment court ang anumang nakikita nilang paglabag o pagkukulang sa proseso.

Aniya, ang pagbabanta na hindi dadalo sa paglilitis ay maaaring makabawas sa tiwala ng publiko sa impeachment process.

Ipinaliwanag din nito na may mga usapin tungkol sa pagsunod sa Saligang Batas at mga patakaran sa impeachment, kabilang ang kinakailangang bilang ng boto para sa conviction.

Gayunman, sinabi niyang ang kasalukuyang proseso ng paglilitis ay may mga pagkakaiba sa orihinal na disenyo ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon.

Samantala, sinabi ni Yusingco na mahalaga ang naging paglipat ni Senator Judge Mark Villar mula sa Minority Bloc patungo sa Majority Bloc dahil maaari itong makaapekto sa bilang ng mga boto sa paglilitis.

Idinagdag niyang kung magbabago rin ang puwesto ni Senator Loren Legarda at magiging labing-apat na lamang ang kinakailangang boto sa halip na labing-anim, magkakaroon ng malaking pagbabago sa proseso ng pagbibilang ng boto para sa conviction.

Napansin din ni Yusingco na tila nakaaapekto ang mga alyansang pampolitika sa magiging posisyon ng ilang senador sa impeachment trial.

Gayunman, ang magiging resulta ng paglilitis ay nakasalalay pa rin sa mga boto ng mga senador-judges at sa mga tuntuning umiiral sa proseso.