Naaresto ang isang lalaki matapos mahuli sa akto ng tangkang pagnanakaw ng isang kambing sa bayan ng Binmaley, lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa imbestigasyon ng Binmaley Municipal Police Station natuklasan ng may-ari ng kambing ang suspek habang tinatangka nitong nakawin ang hayop na nagkakahalaga ng tinatayang sampung libong piso (₱10,000).
Kinilala ang suspek bilang isang 35-anyos na residente sa lungsod ng San Carlos.
Agad na iniulat ang insidente sa Barangay Council, na mabilis namang rumesponde.
Inaresto ng mga Barangay Tanod ng Barangay Biec ang suspek, at nakuha sa kanyang kustodiya ang nasabing kambing.
Bukod pa rito, nakumpiska rin mula sa suspek ang isang tricycle na ginagamit umano nito sa pagtransport sa ninakaw na hayop.
Kasalukuyang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek kung saan nasa kustodiya na ito ng kapulisan para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.










