Dagupan City – Nagtamo ng sugat sa kanyang katawan ang isang pedestrian na lalaking nasa 40-anyos na biglang tumawid sa kahabaan ng kalsada sa bayan ng San Manuel matapos masalpok ng isang motorsiklo.

Nangyari ito bandang alas 5:56 ng hapon sa San Manuel-Binalonan Road, Zone 4, Brgy Sto Domingo.

Kinilala ang biktima na isang housekeeper na residente sa nasabing bayan habang ang driver ng motorsiklo ay isang 25-anyos na lalaki, isang factory worker at residente sa bayan ng Binalonan.

--Ads--

Lumabas sa imbestigasyon na ang nasabing driver ay bumabagtas sa direksyong silangan habang ang pedestrian ay bumababa mula sa isang pampasaherong jeep at biglang tumawid sa kalsada.

Pagdating sa lugar ng insidente, tinangka ng driver na umiwas ngunit aksidenteng nabangga ang pedestrian.

Bunga nito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang pedestrian, habang ang driver ay hindi nasaktan ngunit dinala sila sa RHU San Manuel para sa medikal na paggamot.

Kasalukuyan nang pinag-uusapan ang kaso sa pagitan ng dalawa habang ang sasakyang sangkot ay nasa kustodiya na ng kapulisan para sa tamang disposisyon.