Tuluyan nang tinuldukan ng actress na si Liza Soberano ang usap-usapang hiwalayan nila ng dating love team partner at boyfriend na si Enrique Gil.

Sa isinagawang podcast episode kasi ng Can I Come In, nangyari ang tuluyang pag-amin ni Liza sa kinahantungan ng masayang relasyon nila noon ni Enrique.

Kasama sa nasabing episode ni Liza ang podcast-cinema-documentary director na si Sarah Bahbah.

--Ads--

Dito na ipinagtapat ng actress na mahigit tatlong taon na silang break ng aktor.

Nilinaw rin nito na may mga bagay daw na isinaalang-alang noon si Liza kung kaya’t hindi niya agad maamin sa publiko na hiwalay na sila.

Una na rito ang pakikiusap sa kanya ni Enrique na gawin muna nila itong pribado.

Pangalawa ay ang pag-amin niyang nakaramdam siya ng takot sa posibleng mangyari sa kanyang showbiz career sa Pilipinas kung saka-sakaling malaman na break na sila ni Enrique.

Noong mga panahon kasi aniyang magkasama sila, pakiramdam ni Liza na si Enrique na ang lalaking papakasalan niya.

Bagamat nauwi sa hiwalayan ang noo’y masaya nilang pagsasama, masasabi raw ni Liza na hanggang sa huli ay hindi nawala ang buong-pusong pagmamahal nila sa isa’t isa ni Enrique.

Sa puntong magbalik-tanaw ni Liza sa relasyon nila noon ni Enrique ay hindi na niya napigilang maging emosyunal.

Dahil malaking parte ng buhay at pagkatao niya si Enrique na itinuturing niyang “childhood best friend” hindi lang basta boyfriend.

Aminado si Liza na labis siyang naapektuhan sa kanilang hiwalayan. At umaanot na rin minsan na iniisip niyang kung nanatili na siyang matatag ay baka masaya at sila pa ngayon ni Enrique.

Ngunit sa isang banda, mas nananaig daw sa aktres ang kagustuhan niyang piliin ang kanyang sarili, lumago, at mahanap mag-isa ang mga gusto niya sa buhay.