Mga kabombo! Ano ang pambihirang katangian ng inyong pusa?
Kaya ba nitong kumuha ng gamit na hindi niya pagmamay-ari?
Isang kakaibang pusa kasi sa New Zealand na kinilalang si Leo ang binansagang “Leonardo da Pinchy” matapos matuklasan ang kanyang pambihirang ugali: ang pagnanakaw ng mga damit, lalo na ng underwear, mula sa mga sampayan ng kanyang mga kapitbahay.
Ayon sa owner ng pusa na si Helen North, ang kanyang 14-buwang gulang na pusa ay nakapag-uwi na ng humigit-kumulang 150 na mga damit sa nakalipas na siyam na buwan.
Isa na nga rito sa mga paboritong nakawin ni Leo ay mga underwear at medyas, ngunit hindi umano ito mapili?
Lumalabas kasi na nakapag-uwi na rin umano si Leo ng mga gardening gloves, sports bra, sumbrero, at maging ng mamahaling jersey na may price tag pa.
Ayon kay North, pinaka-aktibo si Leo tuwing Linggo, kung kailan maraming sampay na mga damit sa kanilang mga kapit-bahay.
Upang maibalik ang mga gamit, gumagamit si North ng isang lokal na app group at mga social media platform group na ang mga miyembro ay ang kanilang mga kapitbahay.
Dito niya ipino-post ang mga larawan ng mga bagay na naiuwi ng kanyang alagang si Leo upang makuha ng mga tunay na may-ari.
Ang pinakamalaking bagay na naiuwi ni Leo ay isang stuffed toy na ahas na may habang limang talampakan.