Hindi maaaring ibasura ng mga senador na nagsisilbing hukom ang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte gamit lamang ang simple majority vote, ayon kina incoming senators Chel Diokno at Panfilo Lacson.

Sa isang panayam, iginiit ni Diokno na wala sa Saligang Batas ang probisyon na nagpapahintulot ng dismissal ng impeachment complaint sa pamamagitan lamang ng simpleng bilang ng boto.

Dagdag pa niya, hindi dapat nagmumula sa mga senador-hukom ang anumang galaw na maglalayong hatulan o magbasura ng kaso bago pa mapakinggan ang lahat ng ebidensya.

--Ads--

Ang pahayag ni Diokno ay kasunod ng sinabi ni Senate President Francis Escudero na maaaring bumoto ang Senado sa isang mosyon para ibasura ang kaso ni Duterte.

Nauna nang sinabi ni Escudero na bilang isang collegial body na maaaring magpasya ang Senado sa pamamagitan ng simple majority vote kung isasaalang-alang ang impeachment case.

Gayunpaman, paalala nito, ayon sa Konstitusyon, kinakailangan ng two-thirds ng mga kasapi ng Senado upang mahatulan ang isang opisyal na ini-impeach.