Mariing itinanggi ng Iran nitong Huwebes na muling bubuksan ang negosasyon ukol sa nuclear deal kasama ang Estados Unidos, matapos ang 12-araw na digmaan laban sa Israel.

Kasabay nito, inakusahan ng Tehran ang Washington ng pagmamalabis sa epekto ng mga isinagawang air strike ng US.

Ang digmaan kung saan isa sa pinakamatindi sa pagitan ng Israel at Iran sa kasaysayan ay siyang naging dahilan ng pagkakansela ng mga nuclear talks sa pagitan ng dalawang bansa.

--Ads--

Gayunpaman, inanunsyo ni US President Donald Trump na inaasahan ang pakikipag-usap ng Washington sa Tehran sa susunod na linggo.

Ayon sa kanyang special envoy na si Steve Witkoff, umaasa siyang magbubunga ito ng “komprehensibong kasunduan para sa kapayapaan.”

Ngunit pinabulaanan ito ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi, na nagsabing walang anumang plano o kasunduan na magsagawa ng bagong pag-uusap.

Ang pahayag ni Araghchi ay kasunod ng pagpasa ng mga Iranian lawmakers ng isang “binding bill” na nagsususpinde ng pakikipagtulungan sa UN nuclear watchdog.

Mismong si Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei ay nagbitiw ng matinding akusasyon laban kay Trump, at sinabing pinalalaki nito ang epekto ng US air strikes sa mga nuclear facilities ng Iran.

Sa kanyang unang paglabas sa telebisyon mula nang magka-ceasefire, idineklara ni Khamenei ang “tagumpay” ng Iran laban sa Israel.

Aniya, “hindi kailanman susuko ang Iran sa presyur ng Estados Unidos,” at inilarawan ang naging aksyon ng Amerika bilang isang “nakakahiya at malupit na sampal.”

Parehong namang idineklara ng dalawang panig ang kanilang panalo.