Mariing pinabulaanan ng actress-vlogger na si Ivana Alawi ang alegasyong pakikiapid niya sa lalaking may asawa na.
Sa kanyang vlog, sumailalim siya sa lie detector test kung saan ay sinagot niya ang iba’t ibang tanong na ipinadala ng kanyang followers at fans.
Nanindigan siyang hindi siya mistress o kabit at kailanman ay hindi siya nanira ng pamilya.
Depensa ni Ivana, pinalaki siya ng kanyang magulang na may respeto, lalo na pagdating sa pamilya.
Hindi raw niya kailanman gagawing manira ng pamilya dahil alam niya ang pakiramdam ng nanggaling sa broken family.
Naging usap-usapan si Ivana makaraang masangkot ang kanyang pangalan sa complaint affidavit ni Dominique “Nikki” Benitez laban sa estranged husband nitong si Alberto “Albee” Benitez.
Si Albee ay bagong halal na Bacolod City congressman at kilalang independent producer ng TV shows.
Noong May 29, kumalat online ang sworn complaint affidavit ni Nikki na umaakusa kay Albee ng pakikiapid.
Matatandaan, February 2024 nang magsimulang maugnay sa isa’t isa sina Ivana at Albee, na dating Bacolod mayor matapos silang maispatang magkasama sa airport sa Japan.
Mabilis naman itong itinanggi ng actress nang maglabas siya ng pahayag sa kanyang Facebook account at binigyang diin na wala silang espesyal na ugnayan ni Benitez.
Totoo raw na may idine-date siya, ngunit hindi ito politician kundi isang businessman.
Ayon naman sa politician-businessman, “chance encounter” lamang ang pagkikita nila ni Ivana sa Japan.
Nilinaw rin ng noo’y alkalde na ang pagpunta niya sa Japan ay para sa isang business trip, gaya ng nakasaad sa official travel order.
Humingi rin noon si Albee ng paumanhin kay Ivana at sa pamilya nito dahil sa pagkakasangkot nila sa isyu.