Hindi lubos maisip ng mga mamamayan sa Qatar na magpapadala ang Iran ng missile sa nasabing bansa kung saan ay target ang base militar ng Estados Unidos sa kabisera nito sa Doha.

Ayon kay Lawrence Valmonte, Bombo International News Correspondent sa Qatar sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang Iran at Qatar ay magkaalyado noon pa at parehas silang Muslim kung kayat hindi nila inasahan na mangyayari ito

Nagdulot aniya ng pangamba ito sa mga mamamayan doon at mga Overseas Filipino Workers o OFWs.

--Ads--

Ikinatatakot nila na kung gaganti ang Qatar sa Iran gayung maliit lang na bansa ito at sampung missile ay burado na aniya sa mapa ang Qatar.

Samantala, kinondina rin aniya ng Saudi Arabia ang hindi katanggap tanggap na pag atake ng Iran sa Qatar .

Nagbigay na umano ng katiyakan ang Saudi government na nasa likod lamang sila sa Qatar sa anumang magiging hakbang nila.

Pagbabahagi pa ni Valmonte na sa tagal na niya sa abroad ay ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong uri ng pagpapaulan ng missile mula sa ibang bansa.

Matatandaan na pinaulanan ng Iran ng mga short-range at medium range ballistic missiles ang Al Udeid Air Base sa Qatar.