Naitala ang bahagyang pagbaba sa singil sa kuryente ngayong buwan ng Hunyo, kung saan mayroong average na 0.63 sentimong bawas kada kilowatt hour (kWh) kumpara noong nakaraang buwan.

Ayon kay Atty. Randy Castilan, Legal officer – DECORP ang pagbaba sa presyo ay bunsod ng mas malamig na temperatura at mas murang presyuhan ng kuryente sa wholesale electricity spot market.

Makikita ang epekto ng nasabing pagbaba sa mga bill na matatanggap ngayong Hunyo kung saan isa rin sa mga dahilan ng pagbaba ay ang pagbaba ng demand para sa kuryente, dulot ng malamig-lamig na panahon sa malaking bahagi ng bansa.

--Ads--

Sa ngayon ay stable ang suplay ng kuryente at wala advisory ukol sa anumang kakulangan sa power supply.

Kaugnay nito ay patuloy din ang pagpapatupad ng maintenance activities ng kompanya kung saan mula pa nitong Hunyo ay nagsimula na ang kanilang grooming and trimming ng mga puno na malapit sa linya ng kuryente upang maiwasan ang aberya sa suplay lalo na sa panahon ng bagyo.

Aktibo rin umano ang kanilang response teams na available 24/7 upang tugunan agad ang anumang power interruptions.

Ipinaliwanag din nito na may mga safety measure na kailangang sundin lalo na kapag may malalakas na pagkidlat.

Kaya’t payo nito sa publiko na mas mainam na i-turn off muna ang mga electrical appliances sa ganitong pagkakataon, at iwasang maligo sa labas habang kumikidlat.

Samantala, pinaalalahanan ang publiko na bawal sa batas ang anumang uri ng meter tampering o ilegal na pagkakabit ng kuryente.

Ito ay kaugnay sa mga gumagawa ng illegal acts para makaiwas sa mabigat na penalty.