Dagupan City – Pabor ang Alliance United Transport Organization Provincewide o AutoPro Pangasinan sa P1 na dagdag sa pamasahe sa Jeepney sa susunod na linggo dahil sa sunod-sunod na big-time oil price hikes dulot ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Iran at Israel.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bernard Tuliao, Presidente ng AUTOPro Pangasinan, isa ito sa mga measures o paraan na maaring gawin ng mga operators para hindi tuluyang malugi sa nagpapatuloy na taas presyo.
Aniya, kung ikokonsidera kasi ang kalagayan ng mga mananakay, mas maganda ang P1 dagdag pamasahe kaysa sa nais isulong na dagdag P1 sa isang kilometro.
Kaya ang minimum fare na mula sa P13 ay magiging P14 na.
Hinggil naman sa fuel subsidy, umaasa aniya sila na magbigyang muli ng pamahalaan sa huling quarter ng taon.
Sa kabila nito, ibinahagi naman ni Tuliao ang mga programa na kanilang isinasagawa gaya na lamang ng pagpupulong kasama ang mga jeepney drivers sa lalawigan, dahil tuloy-tuloy din ang modernization program ng pamahalaan ngunit sa kasalukuyan ay mas marami pa rin ang pumapasada na traditional jeepney sa lalawigan.
Nanawagan naman ito sa mga operators na sumisingil ng mas malaki kaysa sa nakatakdang presyo partikular na tuwing gabi na huwag itong gawin dahilan dahil dapat na ibigay ang 20% Student, Persons with Disabilities o PWDs at Senior Citizen discount 24 oras.