Dalawa ang pangunahing ginagampanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa kanilang programa laban sa child labor: ang pagpapalaganap ng kaalaman sa masamang epekto ng child labor at ang aktibong pagsugpo sa mga establisimyentong gumagamit ng menor de edad sa mapanganib na trabaho.
Ayon kay Exequiel Ronnie Guzman Regional Director, DOLE Region I bilang bahagi ng kanilang intensified campaign, nagsagawa ng mga inspeksyon ang kanilang ahensiya sa iba’t ibang mga pabrika, minahan, construction sites, at iba pang lugar ng trabaho upang matukoy kung may mga menor de edad na iligal na nagtatrabaho sa mga ito.
Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang paglalagay ng mga bata sa delikadong trabaho tulad ng mining, quarrying, at construction dahil sa banta nito sa kanilang kalusugan at kaligtasan.
Ayon sa DOLE, bahagi ng kanilang pinaigting na hakbang ay ang pagmo-monitor sa mga establisimyento upang masigurong walang bata sa ilalim ng edad 18 ang nagtatrabaho sa mapanganib na kalagayan.
Noong Hunyo 12, nakibahagi sila sa paglulunsad ng selebrasyon para sa World Day Against Child Labor, isang pandaigdigang araw na nagpapalakas sa adbokasiyang wakasan ang child labor.
Sa naturang aktibidad, nagbigay ng ayuda at kagamitan ang ahensya sa mga piling kabataan at kanilang pamilya.
Kaugnay nito, binibigyang-pansin din nila ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga magulang.
Sa pamamagitan ng mga livelihood program, layon ng ahensya na matulungan ang mga magulang na matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, upang hindi na kailangang magtrabaho ang kanilang mga anak sa murang edad.