Patuloy ang pagtaas ng bilang ng child labor sa bansa sa kabila ng umiiral na batas laban dito.

Dumarami pa rin ang mga batang edad 18 pababa na napipilitang magtrabaho dahil sa matinding kahirapan at kawalan ng sapat na kita ng kanilang mga magulang.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis Secretary General ng Kilusang Mayo Uno pinakamarami ang mga kaso ng child labor sa mga probinsyang malapit sa mga minahan, kung saan kalimitang nagiging bahagi ng workforce ang buong pamilya.

--Ads--

Sa ganitong sistema, isang miyembro lamang ng pamilya ang binabayaran, kadalasan ay ang nakatatanda, habang ang iba kabilang ang mga bata ay nagtatrabaho rin nang walang bayad.

Dagdag pa niya na laganap rin ang child labor sa mga malalaking plantasyon ng saging at pinya na kontrolado ng mga foreign agricultural sector.

Habang sa Metro Manila naman, maraming kabataan ang nagtatrabaho bilang kargador sa Divisoria, o kaya’y nagtatrabaho sa mga pantalan sa Tondo, na kadalasan sa ilalim ng informal sector kung saan hindi sila protektado ng batas.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), mahirap tugunan ang child labor hangga’t hindi tinutugunan ang mga ugat o ‘roots’ ng problema partikular ang kawalan ng trabaho, mababang sahod ng mga magulang, at kakulangan ng access sa edukasyon.

Patuloy ang panawagan ng mga organisasyon para sa mas epektibong implementasyon ng mga batas kontra child labor, mas malawak na social protection programs para sa mga pamilya, at mas mataas na suporta sa edukasyon ng kabataan upang mawakasan ang ganitong problema sa bansa.