Dagupan City – Iniulat ng Pangasinan Provincial Health Office (PHO) na wala pang naitatalang kaso ng Mpox (monkeypox) sa lalawigan.
Gayunpaman, dalawang indibidwal na ang kanilang sinusubaybayan dahil sa pinapakita nilang mga sintomas na may hawig sa nasabing sakit.
Ayon kay Dr. Maria Vivian V. Espino, Officer in Charge ng PHO na negatibo na ang naging resulta ng pagsusuri sa unang indibidwal habang kasalukuyan pang inaantay ang resulta ng confirmatory test ng ikalawang indibidwal.
Parehong galing sa labas ng lalawigan ang dalawang pinaghihinalaan at isinasagawa na ang contact tracing upang matukoy ang mga taong nakasalamuha nila.
Inilarawan ni Dr. Espino ang mga sintomas ng Mpox na may pagkakahawig sa chickenpox gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pamamaga ng lymph nodes, at pantal sa balat.
Gayunpaman, aniya, ang pagkakaiba ay nasa paglaki o pagbukol ng pantal dahil ang pantal ng monkeypox virus ay may lumalabas na nana o pus na kulay puti o dilaw kung saan ito ang madalas mas nakakahawa.
Ipinaliwanag din niya na ang mga paraan ng pagkalat ng virus ay sa pamamagitan ng skin-to-skin contact, sexual transmission, respiratory droplets gaya ng pag-ubo at pagbahing, at sa pamamagitan ng mga kontaminadong gamit tulad ng damit.
Bagamat maaaring mahawaan ang sinumang edad, sinabi ni Dr. Espino na ang kasalukuyang variant ng Mpox (Clade I) na nangangahulugan hindi nakamamatay at nangangailangan lamang ng supportive treatment.
Hinihikayat ng PHO ang publiko na maging mapagmatyag sa mga sintomas at makipag-ugnayan sa kanilang mga health center kung may alinman sa mga ito.
Ipinag-uutos din nila ang pagsunod sa mga hakbang sa kalinisan tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng mask sa mga matataong lugar, pagpapanatili ng kalinisan ng mga gamit, at paglilinis ng tahanan.
Handa naman aniya ang PHO sa anumang pangangailangan upang tugunan ang posibleng pagkalat ng Mpox at patuloy ang kanilang information campaign tungkol sa sakit at sa mga paraan upang makaiwas dito.