Dagupan City – Arestado ang dalawang indibidwal na kapwa residente ng San Carlos City, sa isinagawang buy-bust operation ng Urbiztondo Municipal Police Station katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 1 noong Nobyembre 13, 2026.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-5:15 ng hapon sa bayan ng Urbiztondo sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ Fernan L. Rivera, Chief of Police.
Kinilala ang mga naaresto bilang dalawang lalaking nasa edad 50 at 35. Nagsimula ang operasyon matapos umanong magbenta ang isa sa mga suspek ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer kapalit ng ₱500 na buy-bust money.
Sa isinagawang paghahalughog matapos ang transaksyon, nakumpiska mula sa 50-anyos na suspek ang dalawa pang sachet ng hinihinalang shabu, kabilang ang ibinenta sa poseur-buyer, habang isa pang sachet ang nakuha mula sa kaniyang 35-anyos na kasama.
Kabuuang humigit-kumulang isang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱6,800 batay sa Standard Drug Price ang nasamsam sa operasyon. Narekober din ang isang OPPO A5i cellular phone at isang pulang Honda TMX motorized tricycle.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Urbiztondo Police Station ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 o Sale of Dangerous Drugs at Section 11 o Possession of Dangerous Drugs, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, pinuri ni PMAJ Rivera ang kaniyang mga tauhan sa matagumpay na operasyon at tiniyak na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad at kaayusan sa bayan ng Urbiztondo.










