DAGUPAN CITY- Mariing kinondena ng Police Regional Office 1 (PRO1) ang nangyaring insidente ng pamamaril sa bayan ng Sta Maria na ikinasawi ng isang pulis habang ginagampanan ang kanyang tungkulin noong nakaraang linggo, Mayo 11 ng madaling araw bago ang halalan.
Nasa tatlong katao ang nasawi sa insidente na nangyari sa Sitio Imus, Barangay Samon sa nasabing bayan.
Isa sa mga nasawi ay si PSSG. Dennis Oria, 33-anyos, nakatalaga sa Tayug Municipal Police Station.
Ayon kay PltCol. Benigno C. Sumawang, Chief ng Regional Public Information Office ng PRO1, hindi nila hahayaang mauwi sa wala ang naging sakripisyo ni PSSG. Oria.
Dahil dito, patuloy ang masusing imbestigasyon sa pangyayari kung saan naaresto na ang 3 suspek na responsable at narekober sa mga ito ang mga armas na ginamit.
Nagpaabot na din sila ng pakikiramay sa pamilya ng nasawi at ipinangako ang buong suporta kanilang opisina kung saan hindi sila titigil hanggat hindi naibibigay sa pamilya ang nararapat na hustisya sa magiting na pulis.