Dagupan City – Nababahala ngayon ang Department of Labor and Employment Region 1 sa pagiging kabilang ng rehiyon sa may mataas na datos ng Child labor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Exequiel Ronnie Guzman, Regional Director ng DOLE Region I, isa ito sa dapat na tutukan ng pamahalaan dahil napakahalaga nito para sa kinabukasan ng mga kabataan.
Isa kasi ito aniya sa pangunahing nakakasira sa mga kabataan dahil bata pa lang sila ay nasasadlak na agad sa trabaho.
Noong 2024, nakapagtala ng 5,612 child labors sa buong rehiyon sa bansa, mas mababa kung ikukumpara sa 2023 na nasa 7,758 child labors. Ngunit sa kabila nito, isa pa rin aniya ang reihyon sa nangungunang may mataas na bilang ng child laborers.
Isa naman sa mga hakbang na kanilang ginagawa ay ang livelihood assistance, dahil ang problema naman kung bakit nasasadlak ang kabataan aniya ay dahil walang trabaho ang kanilang mga magulang kaya napipilitang tumulong ang mga bata na kumita ng pera.
Dagdag pa rito ang pagrefer nila sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD at Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS para magkaroon sila ng disenteng hanap-buhay at madagdagan ang kanilang skills.
Isa naman sa dapat tandaan aniya kung paano ma-dedetermina na biktima ang bata ng child labor, ay kapag hindi na ito nabibigyan ng pagkakataon na pumasok sa paaralan dahil piniling tumigil sa pag-aaral upang kumayod gaya ng pagbebenta sa kakalsadahan, pagsasaka nang wala pa sa hustong edad.
Binigyang diin din nito ang kaibahan ng child labor sa child work, dahil ang child work ay hindi ginagawang full-time na magtratrabaho ang anak kundi tumutulong lamang.
Kasama rin aniya ang pagdawit nila sa prostitusyon. Kung saan ay ibinebenta na nila ang kani-kanilang mga anak.
Mensahe na lamang ni Guzman sa publiko, partikular na sa mga magulang na hindi na kayang pag-aralin ang kanilang mga anak, bukas ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa programang 4ps at may mga scholarships ang gobyerno sa pagtulong sa mga kabataan na mabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang anak.
Dahil aniya, may responsibilidad ang mga magulang sa kanilang anak at may karanpatang parusa ang pagtalima ng mga ito sa child labor.