DAGUPAN CITY- Mahigit isang libong tao mula sa iba’t ibang simbahan ang nagtipon sa bayan ng Mangaldan upang magsama-sama sa isang makulay na Gabi ng Pasasalamat bilang bahagi ng selebrasyon ng Mangaldan Town Fiesta at Pindang Festival.

Ang kaganapan ay isang inter-faith prayer and worship na naglalayong palakasin ang pagkakaisa at pananampalataya ng mga mamamayan.

Dumalo ang lokal na alkalde ng bayan upang magbigay suporta sa mga kababayan at mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon.

--Ads--

Ayon sa kanya, ang pagkakaisa ng mga tao, anuman ang kanilang relihiyon, ay isang mahalagang hakbang patungo sa tunay na kapayapaan, hindi lamang sa isipan kundi pati na rin sa buong bayan.

Bilang pasasalamat, ginawaran ang alkalde ng plaque of appreciation mula sa mga lider ng Mangaldan Christian Ministers Fellowship bilang pagpapakilala ng kanyang patuloy na pagsuporta sa mga proyekto na naglalayong magsulong ng espiritwal na pagkakaisa at serbisyo sa komunidad.

Kasama ng alkalde sa okasyon ang mga miyembro ng lokal na konseho, pati na ang mga pastor na nagpahayag ng kanilang mga mensahe ng pag-ibig, respeto, at pananampalataya.

Sa huling bahagi ng gabi, isang raffle draw ang isinagawa bilang pasasalamat sa mga dumalo.