DAGUPAN CITY- Nalunod ang isang 44-anyos na lalaki na residente sa bayan ng Sta. Barbara, sa Brgy. Mancup, sa bayan ng Calasiao habang ito ay nangunguryente ng kanilang huhuliing isda.

Kasama ng biktima ang 3 pang menor de edad na nagpunta sa lawa ng nasabing lugar.

Ayon kay PLt. Noel Domalanta,Operation PCO, Calasiao PNP, base aniya sa mga salaysay ng mga witness, una na munang tumalon sa tubig ang biktima at nagsimulang manguryente ng isda gamit ang kanyang improbisadong kagamitan, habang ang mga bata naman ay naglalaro malapit sa lawa.

--Ads--

Makalipas ang ilang minuto, narinig ng mga bata ang sigaw ng biktima at nakita nilang lumubog ito sa tubig.

Agad silang nagsimulang maghanap sa ilalim ng tubig at natagpuan ang biktima.

Dinala siya sa pampang at tumawag ng tulong mula sa lokal na mga awtoridad.

Dinala ang biktima ng mga rumespondeng pulis sa Pangasinan Provincial Hospital sa syudad ng San Carlos kung saan idineklara itong dead on arrival.