DAGUPAN CITY- Selos ang naging ugat sa pagpaslang ng isang lasing na mister sa bayan ng Urbiztondo sa kaniyang dating asawa.
Ayon kay PCapt. Michael Murao, Deputy Chief of Police ng Urbiztondo PNP, kinilala ang mag asawa na sina alyas “Rogelio” at alyas “Jane” na kapwa nakatira sa bayan ng Basista at mayroong apat na anak.
Lumalabas sa kanilang isinagawang imbestigasyon na pagkatapos uminom ng suspek pasado alauna ng hapon ay nagpasya itong sunduin ang kanyang asawa sa Barangay Pasibe East, sa nabanggit na bayan.
sa mga oras na iyon ay nakita niyang nagbibilad ng palay ang babae habang kasama ang umano’y kinakasama nito at doon na rin niya kinumpronta ito na umuwi na. Ngunit mariing tumanggi ang biktima na nagresulta sa pagkakaroon ng habulan papunta sa bayan at nang maabutan ito ng suspek ay doon na siya pinagsasaksak.
Dagdag pa aniya na anim na buwan na ring hiwalay ang dalawa at may bagong kinakasama na ang babae.
Kaugnay nito ay nagsagawa ng agarang manhunt operation ang mga kapulisan kung saan naaresto ang suspek sa bayan bg Basista.
Samantala, agad naman na itinakbo ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa mga natamong apat na saksak sa likurang bahagi ng kanyang katawan.
Narekober naman ng mga kapulisan ang ginamit nitong kutsilyo sa pinangyarihan ng insidente. Sa kasalukuyan ay nasa kulungan na ang suspek at nahaharap sa kasong parricide.