BOMBO DAGUPAN – Anim na katao, kabilang ang dalawang US citizen ang natagpuang nasawi sa loob ng isang luxury hotel room sa Central Bangkok.

Natuklasan ang pangyayari nang pinuntahan ng isang staff sa five-star Grand Hyatt Erawan sa Thai capital ang fifth-floor suite matapos hindi pa nakapag-check out ang mga bisita ng higit sa 24 na oras na.

Ang mga nasawi na kinabibilangan ng tatlong lalaki at tatlong babae ay nadatnan ng mga pulis na nasa isang mesa na puno ng hindi nagalaw na pagkain na nakabalot pa sa plastic at mga ginamit na tasa na may bakas ng puting pulbos.

--Ads--

Napag alaman na ang pinto ay naka-lock mula sa loob, habang ang isang backdoor ay naiwang naka-unlock.

Sinabi ng mga awtoridad na hinahanap nila ang ikapitong tao na kasama na naka book sa hotel.

May mga hinala naman na nilason ng isa sa mga nasawi ang mga kasama gamit ang nakamamatay na fast-acting na kemikal na cyanide.

Kabilang sa mga namatay ay dalawang Vietnamese American at apat na Vietnamese national kabilang ang mag-asawang nasa pagitan ng 37 at 56, ayon sa Thai police.

Sinabi ni Chief of the Police Forensic Office Trairong Phiewphan sa isang press conference na ang cyanide ay natagpuan sa mga mug at tasa sa silid ng hotel at hindi bababa sa isa sa mga sample ng dugo na nakolekta mula sa isang namatay na lalaki ay may mga bakas ng kemikal.