Dagupan City – Nalunod ang 13-anyos na studyante sa bayan ng Villasis, Pangasinan sa Agno River.
Ayon kay PCAPT. Sherwin Sinang, Deputy Chief of Police ng Villasis Police Station, personal na pumunta sa kanilang himpilan ang ina nitong si Deogracias Ulpindo, 43-anyos upang ipaalam ang nangyari sa kaniyang anak.
Lumalabas naman sa inisyal na imbistigasyon, na umalis ang biktimang si Justine Ulpindo sa kanilang bahay kasama ang kanyang dalawang pinsang menor de edad nang hindi alam ng kaniyang mga magulang.
Subalit, bandang alas 2 ng hapon sa parehong araw ay nakatanggap na ng tawag ang kaniyang ina at dito na napag-alaman na nalunod na ang kaniyang anak sa Agno River.
Agad naman itong dinala sa Dr Marcelo Chan Hospital at dakong alas-6 ng gabi ng parehong araw ay nailipat pa ito sa Region 1 Medical Center para sa karagdagang lunas, ngunit idineklara rin itong nasawi bandang alas 9 ng gabi.
Sa kasalukuyan, nasa Poblacion na sa naturang bayan ang labi ng biktima at patuloy ang paalala ng kanilang himpilan sa mga residente sa lugar na mag-doble ingat lalo na kung nais maligo sa naturang ilog.