Bombo Radyo Dagupan-Nagtamo ng sugat sa ulo ang 45 anyos na lalaki sa bayan ng Mangatarem, Pangasinan matapos masangkot sa mauling incident o pampupukpok sa kaniya ng kaniyang kasamahan sa sakahan.
Ayon kay PMAJ. Arturo Melchor JR, Chief of Police ng Mangatarem Police Station, kinilala ang biktimang si Daniel Cayaban, isang magsasaka habang ang suspek naman ay si Rogelio Abrugar, 50-anyos na isa ring magsasaka sa Barangay Bogtong Bunao, sa nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa hinggil sa patubig bandang alas-6 ng umaga nang araw na iyon.
Ito ang nag-udyok sa suspek upang pukpukin ng dalawang beses ang ulo ng biktima.
Kasalukuyan naman nang nagpapagaling sa isang pagamutan ang biktima habang ang suspek ay agad namang inaresto ng kapulisan at nasa kustodiya na ng Mangatarem Police Station para sa karampatang kaso laban sa kaniya.