DAGUPAN CITY–Sinabayan ng insidente ng sunog ang obserbasyon ng Undas sa ilang lugar dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni SFO2 Philip Abrazaldo, Deputy fire marshal ng BFP Sta. Barbara, na agad ding naapula ang isang maliit na grass fire na naitala na nag-ugat mula sa naiwang kandila.

Aniya wala namang nasaktan sa insidente dahil sa mabilis na pagresponde ng kanilang hanay na naka-alerto din kasabay ng paggunita ng undas.

--Ads--

Kasunod nito, dahil sa inaasahang pagdagsa parin sa sementeryo ng mga tao ngayong Nobiembre 2 na siya talagang Araw ng mga Patay, pinayuhan ni Abrazaldo ang publiko na maging responsable sa kanilang mga kilos upang maiwasan na magkaroon muli ng grass fire sa sementeryo.

Samantala, dalawa namang insidente ng sunog sa lungsod ng San Carlos ang sumiklab. Unang nakapagtala ng sunog sa Ermita o maliit na chapel sa isang sementeryo sa lungsod habang ang ikalawa ay nangyari sa residential area sa Brgy. Bolosan-Caingal kung saan hinihinalang sanhi nito ang napabayaang kandila.