DAGUPAN CITY – Mayroon ng programang inilatag ang pamahalaan upang matugunan ang pinangangambahang pagbitak-bitak ng dike sa bahagi ng Marusay River partikular na sa Sitio Pandayan, Brgy Gabon sa bayan ng Calasiao Pangasinan.

Ito ang kinumpirma ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) Calasiao Chief Freddie Villacorta, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan.

Aniya, noong nakaraang taon pa ito natuklasan at may inilatag na ring solusyon dito sa lokal na pamahalaan ng bayan at Department of Public Works and Highway (DPWH).

--Ads--

Bagamat, bahagya aniyang naantala ang pagpapatuloy ng programa dahil sa kakulangan ng pundo at hindi pa naililipat sa relocation area ang mga residente doon.

Sa ngayon, dagdag pa ni Villacorta, may relocation area ng nakahanda at nakuha narin ang pangalan ng mga residenteng nakatakdang ilipat.

Samantala, umaasa naman si Villacorta na mapaglalaanan ng pondo ng DPWH ang kanilang bayan lalo at marami pa aniyang kulang na dike sa kanilang nasasakupan.