Nananatiling not passable o hindi madaanan ng mga motorista ang bahagi ng daan sa dalawang lugar sa Porac, Pampanga.
Sa latest situational weather report na ipinadala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng lalawigan ng Pampanga sa himpilan ng Bombo Radyo Dagupan, not passable parin ang mga daan patungong Camias at Sapang Uwak sa bayan ng Porac dahil sa landslide at rock fall.
Sa kabila nito, walang anumang casualty o nasugatan dahil sa insidente, bagamat sa ibang bahagi ng lalawigan ay lubog parin sa tubig baha na hindi bababa sa higit isang talampakan ang nasa 28 barangay sa naturang probinsya.
Sa ngayon naka- stand-by 24/7 ang puwersa ng PDRRMC Pampanga para imonitor ang lagay ng kanilang nasasakupan dahil sa nararanasang epekto ng Habagat sa kanilang lugar.
Inaantabayanan din sa ngayong kung palalawigan ang class suspension na ideneklara ng kanilang Provincial Government para ngayong araw.