Nagbabala ang cybersecurity specialist na si Tzar Umang sa lumalawak na operasyon ng 764 Network, isang “nihilistic online extremist network” na nagta-target ng mga menor de edad sa pamamagitan ng online games at messaging platforms.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Umang na aktibong ginagamit ng grupo ang Roblox, Minecraft, at Discord upang hanapin ang mga “vulnerable” na bata. Aniya, layunin nilang i-brainwash ang mga ito at gamitin sa karahasan, terorismo, at iba pang krimen.
Ipinaliwanag niya na pinipili ng grupo ang mga batang “mentally weak,” psychologically vulnerable, o mga nag-iisolate ng sarili. Nakukuha nila ang tiwala ng target sa pamamagitan ng pakikipag-chat at pag-add sa mga ito bilang kaibigan.
Kapag na-isolate na ang bata, inililipat ito sa mga private servers upang simulan ang grooming. Bilang bahagi ng kanilang “content leveling,” hinihikayat umano ang mga bata na gumawa ng mga krimen tulad ng extortion, child pornography, at self-harm bilang “challenge” o patunay ng pagiging miyembro.
Dahil dito, hinikayat niya ang mga magulang na maging mas mapagmatyag. Aniya, kabilang sa mga “red flags” ang pagiging tuliro, hindi mapakali, at pagkakaroon ng tendensiyang mag-breakdown ng bata.
Nagbabala rin siya na maging ang mga popular na streaming platforms ay maaaring mapasukan ng mga “subtle” na content mula sa 764 Network na nagtutulak sa mga bata sa bullying o karahasan. Inirekomenda niyang limitahan ang screen time at hikayatin ang mga bata sa pagbabasa at iba pang mas ligtas na aktibidad.
Nanawagan din si Umang sa mga paaralan na tiyaking ligtas ang kapaligiran ng mga estudyante upang maiwasan ang stress dulot ng bullying na maaaring magtulak sa kanila sa mga mapanganib na grupong ito sa internet.










