Tinatayang 72.4 ektarya ng mga palayan sa bayan ng San Fabian, Pangasinan ang bahagyang napinsala dahil sa epekto ng Habagat bagyong Maymay, na tinatayang nasa halos dalawang milyong piso ang halaga ng pinsala.

Ayon kay Johnny Jugo Paraan, hepe ng Municipal Agriculture Office ng San Fabian, paunang datos pa lamang ang naturang pagtataya at nakabatay ito sa pinsalang naitala noong kasagsagan ng Bagyong Maymay.

Hindi pa kabilang dito ang pinsalang dulot ng mga sumunod na bagyo dahil patuloy pa ang assessment sa ilang barangay habang nagpapatuloy ang pag-ulan.

--Ads--

Kabilang sa mga low-lying area na patuloy na minomonitor ang mga barangay ng Palapad, Tococ, Bolasi, Tempra Guilig, Lekep at Butao, kabilang ang mga lugar na malapit sa Poblacion.

Karamihan sa mga napinsalang palayan ay hindi na umano maisalba, ngunit may nakahandang mga binhi ang Municipal Agriculture Office para sa muling pagtatanim.

Samantala, kabilang din sa prayoridad ng tanggapan ang mga maliliit na mangingisdang gumagamit ng mga bangka, na naaapektuhan tuwing may kalamidad dahil hindi sila makalaot.

Hinimok ni Paraan ang mga magsasaka at mangingisda na kumuha ng insurance para sa kanilang mga pananim, bangka at alagang hayop bilang proteksyon laban sa posibleng pinsala dulot ng kalamidad.