Nagsalpukan sa himpapawid ang dalawang helicopter sa Rio de Janeiro, Brazil at bumagsak sa kanlurang bahagi ng lungsod, na ikinasawi ng lahat ng anim na sakay.

Ayon sa Fire Department ng Rio de Janeiro, ang isa sa mga helicopter ay bumagsak sa paradahan ng isang dealership ng sasakyan kung saan nakaparada ang ilang electric vehicle.

Dahil dito, nagkaroon ng sunog na agad namang naapula.

--Ads--

Sinabi ng mga awtoridad na nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng banggaan.

Ayon naman sa pulisya, kabilang sa listahan ng mga pasaherong isinumite sa mga awtoridad sa abyasyon ang Amerikanong mang-aawit at komedyanteng si Oliver Tree.

Gayunman, hindi pa nila natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawi sa insidente.

Nagtanghal si Oliver Tree sa Buenos Aires noong Hunyo 4 at nagbahagi rin siya ng video sa kanyang Instagram noong Sabado kung saan makikitang naglalaro siya ng soccer sa isang komunidad sa Brazil.

Iniulat din ng Argentine streaming channel na Blender na sakay ng isa sa mga helicopter ang content creator na si Gaspar Prim Díaz, na mas kilala sa pangalang Gaspi.