Kumpirmadong sugatan ang nasa anim na katao habang inatake naman ng high blood ang isa pa matapos manalasa ang ipo-ipo sa dalawang barangay ng Magalang, Pampanga.
Batay sa impormasyong ipinarating ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Pampanga sa Bombo Radyo Dagupan, agad na nalapatan ng lunas ang mga biktimang at napa-uwi din kinalaunan matapos na magtamo ng sugat mula sa pagkasira ng ilang mga tahanan at gusali dahil sa pananalasa ng ipo-ipo sa mga barangay ng San Nicolas No. 2 at Sta Cruz sa nasabing bayan.
Kinilala ang mga biktima na sina Nicole Patricia Acierto, 15 anyos; Joshua Benedict Simbulan 14 anyos; Mark Angelo Cuetlar, 13 anyos; Chelsea Carbungco Ochoa, 14 anyos; Jhayssana Licca Mallari, 14 anyos; Flordeliza Quilonio at isang Maribeth De Jesus Miranda, 60 anyos na nakaranas ng alta presyon mataps na masira ang tahanan nito.
Nabatid na sa Brgy. San Nicolas 2 lamang, nasa walong na kabahayan na ang napinsala gayundin ang isang tindahan at bahagi ng Magalang Institute School Building.
Habang sa Brgy. Sta Cruz, limang bahay sa isang subdibisyon doon ang nasira gayundin ang isang warehouse at kongkretong bakod. Nakapagtala din ng pinsala sa sector ng agrikultura partikular na sa mga pananim at livestock.
Sa ngayon, patuloy na nakaantabay ang PDRRMC Pampanga at mahigpit ang koordinasyon sa lokal na pamahalaan at barangay council para monitoring sa situwasyon.