Dagupan City – Sugatan ang 51-anyos na magsasaka matapos siyang tagain ng kapwa magsasaka, kasunod ng pagtatalo sa isang bukirin sa Barangay San Vicente, Calasiao, Pangasinan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente pasado alas-dose ng tanghali dahil sa pagtatalo matapos umanong aksidenteng maani ng driver ng suspek ang bahagi ng tanim na palay ng biktima.
Hanggang sa dumating ang biktima at hinarap ang suspek dito na nauwi sa pisikal na komprontasyon dahil dapwa umano may dalang itak ang dalawa.
Sa kasagsagan ng pag-aagawan, umano’y hinawakan ng suspek ang braso ng biktima at ginamit ang tabas upang tagain ito sa ulo.
Agad namang namagitan ang kanilang mga kapwa magsasaka at napigil ang away.
Ngunit nagtamo na ng sugat sa ulo ang biktima.
Agad siyang isinugod ng MDRMC personnel sa Pangasinan Provincial Hospital sa San Carlos City.
Naaresto ang animnapu’t pitong anyos na suspek at dinala sa Calasiao Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon.










