Aabot sa limang katao ang nailigtas matapos ang landslide sa Guidag-Surong, Baguio City nitong Linggo ng gabi, Agosto 9, kasunod ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.
Ayon sa Baguio City Public Information Office, nangyari ang landslide bandang ala-7 ng gabi at tumama sa tatlong bahay na tinitirhan ng limang pamilya.
Batay sa impormasyon mula sa Baguio City Police Office, pito pang katao ang patuloy na pinaghahanap matapos matabunan ng gumuhong lupa ang mga bahay.
Ayon sa mga awtoridad, pitong katao ang nakatira sa unang bahay, dalawa sa ikalawa, at tatlo naman sa ikatlong bahay.
Pagsapit ng alas-8:59 ng gabi, apat na katao na ang kumpirmadong nailigtas—dalawang babae, kabilang ang isang bata, at dalawang adultong lalaki.
Agad silang isinugod sa ospital para sa kinakailangang medical treatment.
Pagsapit naman ng alas-9:40 ng gabi, iniulat na lima na ang nailigtas.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ipinadala na sa lugar ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, Baguio City Fire Station, Baguio City Police Office, at mga barangay first responder upang ipagpatuloy ang search and rescue operations. | via Bombo John Florez










