DAGUPAN CITY- Isang 48-anyos na lalaki ang naaresto matapos mahuli sa isang buy-bust operation kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 madaling araw ng Abril 27 sa Brgy. Gayaman.

Kinilala ang suspek na isang driver at residente ng nasabing barangay.

Nahuli ito matapos umanong magbenta ng hinihinalang ilegal na droga sa isang poseur buyer bandang alas-2:59 ng madaling araw.

--Ads--

Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang dalawang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 0.20 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php1,360.

Narekober din ang isang libong pisong marked money at isang pulang Vivo Android cellphone.

Isinagawa ang inventory, pagmamarka, at pagkuha ng larawan ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng suspek, isang barangay kagawad, at kinatawan ng Department of Justice.

Dinala ang suspek sa Lingayen District Hospital para sa medical examination bago inilipat sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 laban sa naarestong indibidwal.