Dagupan City – Dinakip ng mga tauhan ng Police Station 1 ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang isang 44-anyos na helper matapos mahuling gumagamit ng mga pekeng relief-goods claim stubs sa isinagawang pamamahagi ng ayuda sa Juan P. Guadiz Elementary School, Barangay Poblacion Oeste, Dagupan City noong Agosto 13, 2026.
Ayon sa police report, dakong alas-4:30 ng hapon nang matuklasan ang insidente habang isinasagawa ang relief distribution na pinangunahan ni City Mayor Belen Fernandez at mga lokal na opisyal.
Nahuli ni Barangay Captain Mark Anthony “Mac-Mac” Gutierrez ang suspek na may dalang tatlong hinihinalang pekeng claim stubs. Agad itong bineripika at nakumpirmang peke ang mga dokumento.
Isinagawa ni Gutierrez ang citizen’s arrest at dinala ang suspek kasama ang mga nakumpiskang pekeng claim stubs sa Police Station 1 dakong alas-7:05 ng gabi para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Dinala rin ang suspek sa Region 1 Medical Center Annex sa Barangay Bonuan Binloc para sa mandatory medico-legal examination bago isinailalim sa custodial investigation sa Police Station 1.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o Falsification by Private Individual and Use of Falsified Documents para sa inquest filing sa Office of the City Prosecutor.
Pinuri ni Pcol Arnold P. Solomon, City Director ng Dagupan City Police Office, ang maagap na pagkilos ng mga lokal na opisyal upang mapanatili ang patas at maayos na pamamahagi ng tulong sa mga residente.
Nagbabala naman ang DCPO laban sa sinumang magtatangkang samantalahin o dayain ang mga programa ng pamahalaan para sa mga nangangailangan. Patuloy na ipinatutupad ng Dagupan Police ang DCPO BANGUS initiative na nakatuon sa pagiging Benevolent, Alert and Felt, Noble in duty, Guided with integrity, Upholding peace and order, at Swift in service.










