Natuklasan ng mga mananaliksik ang apat na bagong fault zones sa ilalim ng dagat sa kanlurang bahagi ng Luzon.

Ang pag-aaral na ito ay pinangunahan ng mga eksperto mula sa UP Marine Science Institute (UP MSI), kasama ang DOST-PHIVOLCS at UP-National Institute of Geological Sciences (UP-NIGS).

Ang mga bagong natukoy na fault zones ay nagsisilbing “branches” na lumalabas mula sa pangunahing Philippine Fault Zone.

--Ads--

Ang isa sa mga bagong branches nito ay humahaba at umaabot hanggang sa Manila Trench. Ito ay isang aktibong undersea trench na maaaring pagmulan ng malalakas na lindol at tsunami.

Dahil sa fault zone na ito, nakikitang tila hinahati nito ang Manila Trench sa dalawang magkahiwalay na bahagi.

Nabuo ang mga bagong bitak na ito dahil sa matinding puwersa o pagka-ipit ng Pilipinas sa pagitan ng dalawang malalaking tipak ng lupa o tectonic features.

Itinutulak ang bansa ng Palawan Microcontinental Block mula sa timog-kanluran, habang tinutulak naman ito ng Philippine Rise o dating Benham Rise mula sa hilagang-silangan.

Ang pagkakaroon ng mapa ng mga bagong fault na ito ay malaking tulong upang mas madaling malaman ng mga siyentipiko kung saan posibleng tumama ang mga susunod na malalakas na lindol.

Nakatutulong ang pag-aaral na ito sa paggawa ng mas tumpak na “hazard assessments” upang mapabuti ang paghahanda ng pamahalaan at mamamayan laban sa banta ng lindol at tsunami sa Luzon.