DAGUPAN, CITY— Nagtamo ng mga sugat at galos sa ibat ibang bahagi ng katawan ang apat na katao matapos masangkot sa banggaan ng dalawang sasakyan sa bayan ng Sta Barbara partikular sa Brgy. Matic Matic.
Ayon kay Duty Investigator PMSgt Edwin Dela Peña, nakilala ang driver ng Innova na si Edgardo Buan, 48 at mayroong sakay na dalawang katao sa loob ng sasakyan.
Kinilala naman ang driver ng isa pang sasakyan na Montero na si Mark Arnel Quibuntay at mayroon ding sakay na tatlong indibidwal.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Sta. Barbara PNP, parehong galing sa magka salungat na direksyon ang dalawang sasakyan.
Ang sasakyan na minamaneho ni Buan ay patungo dito sa lungsod ng Dagupan habang sasakyan naman na minamaneho ni Quibuntay ay papunta sa lungsod ng Urdaneta.
Nag overtake umano ang driver na si Quibuntay sa sasakyan na nasa unahan nito ngunit ng makapg overtake ay biglang may paparating na sasakyan kaya naman agad niya itong ikinabig hanggang sa sumadsad at tumumba ito sa kabilang lane at dito na natamaan at nabangga ang sasakyan ni Buan.
Dahil naman sa lakas ng impact ng pagkakabangga ay parehong nayupi at nasira ang ilang bahagi ng dalawang sasakyan na siya namang nagresulta upang masugatan at nasaktan ang lahat ng nasa loob ng Innova habang tanging ang driver lamang ng Montero ang nasugatan at maswerteng di nasaktan ang tatlong sakay nito ng mangyari ang insidente.
Agad naman silang nadala sa pagamutan at nagpapagaling na dahil pare-parehong minor injuries lamang ang kanilang natamo.
Sa ngayon naman ay posibleng humantong na lamang sa areglo ang dalawang panig at hindi na ituloy pa ang pagsasampa ng kaso. (with reports from: Bombo Mariane Esmeralda)