Umabot sa 37 katao ang nasawi habang 26 naman ang isinugod sa ospital matapos ang biglaang pagtagas ng nakalalasong gas sa isang minahan sa Nigeria, ayon sa mga awtoridad.

Ayon sa paunang ulat ng pamahalaan, ang mga minero ay na-expose sa mapanganib na kumbinasyon ng lead oxide, sulphur, at carbon monoxide na bigla umanong nailabas sa loob ng shaft kung saan sila nagtatrabaho.

Halos 40 manggagawa ang nasa ilalim ng lupa nang mangyari ang insidente.

--Ads--

Sinabi ng tagapagsalita ng pulisya na si Alfred Alabo na naganap ang trahedya sa Kampani Zurak.

Ayon sa kanya, hindi umano agad namalayan ng mga minero na sila ay nakalalanghap na ng nakamamatay na usok hanggang sa magsimula silang makaramdam ng masamang epekto sa kanilang kalusugan.

Dahil sa siksik at kulob na kapaligiran sa ilalim ng minahan, mabilis na kumalat ang mga nakalalasong usok, na naging sanhi ng agarang pagkahilo, panghihina, at pagkawala ng malay ng mga biktima.

Agad na dinala ang mga nakalitas sa pinakamalapit na pagamutan at kasalukuyang ginagamot.

Samantala, kinumpirma ng mga awtoridad na naibigay na sa kani-kanilang pamilya ang mga labi ng mga nasawi upang mailibing ayon sa kanilang paniniwala at relihiyosong kaugalian.