Dagupan City – Arestado ang tatlong kalalakihan matapos umano’y magwala at manggulo sa isang restaurant sa bayan ng Aguilar madaling araw ng Pebrero 14, 2026.
Batay sa ulat na inilabas ng PNP Aguilar, sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ Mark Ryan C. Taminaya, Chief of Police ng Aguilar, nasa impluwensya umano ng alak ang mga suspek nang mag-ingay, sumigaw ng masasamang salita at magbanta habang pilit na binubuksan ang gate ng nasabing establisimyento.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Aguilar Municipal Police Station matapos makatanggap ng ulat hinggil sa insidente. Naaresto ang tatlong indibidwal at dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang imbestigasyon.
Kasalukuyan nang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong Alarm and Scandal, Grave Threat at Unjust Vexation laban sa mga naaresto.










