Umabot sa dalawang daan at siyamnapu’t lima ang mga indibidwal na nakatanggap ng tig-dalawang libong pisong tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD sa bayan ng Labrador, Pangasinan.

Ito ang ikalawang bugso ng manual payout para sa mga benepisyaryo ng UPLIFT Program.

Sa isinagawang manual payout sa Labrador, dalawang daan at siyamnapu’t limang indibidwal ang nakatanggap ng tig-dalawang libong piso na tulong pinansyal mula sa DSWD.

--Ads--

Aabot naman sa limang daan at siyamnapung libong piso ang kabuuang halagang ipinamahagi sa mga benepisyaryo.

Kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda si Florentino Estrada Medina, pitumpu’t apat na taong gulang, isang magsasaka mula Labrador.

Ayon kay Medina, gagamitin niya ang natanggap na pera para sa pang-araw-araw na gastusin, pambili ng bigas, at mga pangangailangan sa kanyang pananim.

Para naman kay Belen De Guzman Alcazan, malaking tulong ang ayuda para sa pangangailangan ng kanyang anim na anak.

Samantala, sinabi naman ni Edward Austria na malaking dagdag ang natanggap na tulong para sa kanilang pagkain, gamot, at iba pang gastusin sa bahay.

Ibinahagi rin ni Austria na wala na silang regular na hanapbuhay ng kanyang asawa at umaasa sila sa pagtatanim ng gulay para sa kanilang kabuhayan.

Para naman kay Guilerma Babalo, pitumpu’t siyam na taong gulang, gagamitin niya ang natanggap na tulong para sa kanyang maintenance at mga pangunahing pangangailangan.

Matapos ang ikalawang bugso ng manual payout, sinabi ng DSWD na ang susunod na tranche ay ipamamahagi na sa pamamagitan ng online payout transaction.

Para sa mga benepisyaryo, malaking dagdag-suporta ang natanggap na ayuda para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.