Hinihintay pa ang resulta ng RT PCR test ng nasa 20 kaanak ng tatlong COVID-19 patients sa barangay Macabito, sa bayan ng Calasiao.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Calasiao Mayor Joseph Arman Bauzon, ito ay bilang bahagi ng isinagawa nilang contact tracing sa naitalang tatlong panibagong kaso ng COVID-19 sa naturang bayan.

Napag-alaman na ang mga bagong COVID-19 cases ay siyang immediate family member ni COVID-19 patient #9, kung saan ang dalawa ay anak ng naunang biktima at isa rito ay kaniyang ina na isang senior citizen na edad 87.

--Ads--
Mayor Joseph Arman Bauzon

Kaugnay nito ay isinailalim din sa lockdown ang Zone 3 ng naturang barangay.

Sa kabuuan, 14 na ang nagpositibo sa sakit mula sa nabanggit na bayan kung saan, 10 na ang mga gumaling.

Kasalukuyan namang nasa Region 1 Medical Center ang apat (4) na mga biktima na pawang mga symptomatic at nagpapagaling.