Nagpapatupad ang lokal na pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan ng 20 porsiyentong diskwento sa pagbabayad ng real property tax o amilyar para sa taong 2027. Sakop nito ang mga may-ari ng lupa, bahay at iba pang gusali na magbabayad ng kanilang buwis hanggang Disyembre 31, 2026.
May 10 porsiyento namang diskwento para sa mga magbabayad ng amilyar mula Enero 1 hanggang Marso 31, 2027. Matapos ang itinakdang panahon, papatawan ng walong porsiyentong penalty ang mga hindi makapagbabayad, na madaragdagan pa ng dalawang porsiyento kada buwan habang nananatiling hindi bayad ang obligasyon.
Ang real property tax ay isa sa mga pinagkukunan ng kita ng lokal na pamahalaan na ginagamit sa pagpapatupad ng mga serbisyo at programa nito. Kaugnay nito, hinihikayat ang mga taxpayer na tiyaking maaga ang kanilang pagbabayad upang maiwasan ang karagdagang multa.
Tumatanggap ng bayad ang Real Property Tax Section sa ground floor ng Mangaldan Municipal Hall mula Lunes hanggang Huwebes, alas-siyete ng umaga hanggang alas-sais ng gabi. Ang diskwento ay nakabatay sa itinakdang panahon ng pagbabayad para sa real property tax ng taong 2027.










