Dagupan City – Nailigtas ng mga awtoridad ang isang 20-anyos na lalaki na alyas “Sonny” matapos umanong tangkaing tumalon mula sa Ambayaoan Bridge sa Barangay Lungao, bayan ng San Nicolas.

Ayon kay PMAJ. George D. Banayos Jr., Acting Chief of Police ng San Nicolas Municipal Police Station, pasado alas-9 ng gabi nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) hinggil sa isang lalaki na nasa tulay at umano’y nagtatangkang tumalon.

Agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar at mahinahong kinausap ang lalaki. Umabot sa mahigit isang oras ang pakikipag-usap ng mga awtoridad upang mapakalma siya at mahikayat na lumayo sa mapanganib na bahagi ng tulay.

--Ads--

Pagbabahagi ni Banayos may pinagdaraanan umano ang lalaki na maaaring nagtulak sa kanya na maisipang wakasan ang sariling buhay.

Matapos siyang mahikayat na pumunta sa ligtas na lugar, bigla naman itong nag-collapse kaya agad siyang isinugod sa ospital para sa kaukulang atensiyong medikal.

Sa kasalukuyan, nasa maayos nang kalagayan ang lalaki at nakauwi na rin.

Samantala, nagpapatuloy naman aniya ang police visibility sa bayan ng San Nicolas bilang bahagi ng mga hakbang ng pulisya upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng publiko.