Dagupan City – Arestado ng mga tauhan ng Urbiztondo Police Station ang isang 18-anyos na lalaki matapos umanong masangkot sa pagnanakaw sa isang tindahan at pagmumura sa mga rumespondeng pulis bandang alas-2:20 ng madaling araw noong Setyembre 19, 2026 sa bayan ng Urbiztondo, Pangasinan.
Sa ulat ng pulisya, isang concerned citizen ang agad na nagbigay-alam sa himpilan hinggil sa nagaganap umanong pagnanakaw sa isang tindahan. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Urbiztondo Police Station sa lugar at naabutan doon ang suspek na kalaunan ay naaresto.
Narekober mula sa suspek ang isang brown wallet na naglalaman ng ₱6,150 na cash sa iba’t ibang denominasyon.
Habang isinasagawa ang pag-aresto, iniulat na nagbitaw rin umano ang suspek ng masasamang salita laban sa mga rumespondeng pulis. Dahil dito, inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya kaugnay ng Robbery at Direct Assault Upon an Agent of a Person in Authority.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Pinangunahan ni PMAJ Fernan L. Rivera, Chief of Police ng Urbiztondo Police Station, ang operasyon at pinuri ang mabilis na pagtugon ng kanyang mga tauhan.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad sa kapulisan, na nakatulong sa agarang pagresponde at pagkakaaresto sa suspek.










