15 sa mga senador ang pumirma sa draft resolution na naglalayong ipakita ang pag-kabahala sa Chinese embassy matapos nitong mag-pahayag ng mga maaanghang na salita sa ilang opisyal ng Pilipinas dahil sa kanilang pagiging matapang sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Nagsimula ang word war sa pagitan ng ilang senador at embahada ng China matapos punahin si Sen. Francis Pangilinan dahil sa pag-batikos nito sa pinalakas na military drills ng China sa paligid ng Taiwan, at si Sen. Risa Hontiveros matapos niyang ilarawan ang China bilang “bad guest” sa diplomatic protest kaugnay ng pahayag ni Philippine Coast Guard West Philippine Sea Spokesman Commodore Jay Tarriela.

Bagama’t sinusuportahan ng karamihan ang draft resolution, ilang senador ang umano’y pumipigil dito.

--Ads--

Ayon kay Senate President Vicente ”Tito” Sotto III, nakalulungkot na may ilan sa kanilang kapwa senador na tila pabor sa China.

“I was hoping that it’s not true. But if you read between the lines, China is being favored by some of us in their statements,” ani Sotto.

Samantala, sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na maaaring iniiwasan ng ilang senador ang pagpirma sa resolution upang hindi lumala ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Beijing.

Ipinahayag din ng Senador na ang mga pumipigil sa pagpasa ng resolusyon ay nagpapakita ng kanilang pro-China leanings, sa kabila nang mga serye ng harassment na naranasan ng mga mangingisda at personnel ng coast guard at navy ng Pilipinas.

Noong Martes, dapat sana ay naipasa na ang resolusyon, ngunit ito ay hinarang ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na nagmungkahi na ito ay i-refer muna sa tamang komite para sa isang public hearing.

Ayon kay Cayetano, kailangan ang matinding pag-iingat upang hindi maapektuhan ang kapakanan ng mga OFW sa China, Hong Kong, at Macau.

Kasunod nito, naghain si Sen. Imee Marcos ng Senate Resolution 267 na humihikayat sa lahat ng opisyal na maging maingat at diplomatikong magpahayag, at hayaan ang Department of Foreign Affairs ang humawak ng mga diplomatikong alitan.

Sa kabila ng kontrobersiya, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo, bagong chairman ng Senate foreign relations committee, na ipagpapatuloy niya ang patakarang “friends to all, enemies to none” at susuportahan ang maayos na pakikipag-ugnayan sa China, kasama ang maayos na co-existence sa WPS upang maiwasan ang alitan.

Nilinaw naman nina Sotto at Lacson na hindi parusa ang pag-kakaalis ni Imee sa kanyang dating posisyon ito raw ay bahagi lamang ng pag-aayos sa post na para sa miyembro ng majority.

Hindi rin sang-ayon si Tulfo sa mungkahing ideklara bilang persona non grata ang deputy embassy spokesman ng China, dahil possible aniya itong magresulta sa tit-for-tat retaliation laban sa mga Philippine diplomats sa China.

Batay kasi sa Senate Rules, ang Foreign Relations Committee ang responsable sa lahat ng bagay na may kinalaman sa relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa, diplomatic at consular services, ASEAN, United Nations, at iba pang multilateral organizations, pati na rin sa kapakanan ng mga overseas Filipinos.