Labinlimang katao ang nasugatan matapos ang sunod-sunod na pananaksak sa isang pabrika ng gulong sa Mishima City, Shizuoka Prefecture, noong Biyernes ng hapon, ayon sa mga lokal na awtoridad.
Ayon sa ulat, bandang alas-4:30 ng hapon nang makatanggap ng emergency call ang mga awtoridad at sinabing nasa lima hanggang anim na empleyado ang nasaksak sa pabrika ng Yokohama Rubber.
Dahil dito, inaresto ng pulisya si Masaki Oyama, 38 taong gulang, sa hinalang tangkang pagpatay.
Hindi pa tinutukoy ang kanyang trabaho, ngunit naniniwala ang mga imbestigador na may kaugnayan siya sa pabrika.
May ulat din na nag-spray umano siya ng likidong kahawig ng bleach habang suot ang isang gas mask.
Ayon sa pulisya, sinaksak ni Oyama ang isang 28-anyos na lalaking empleyado bandang alas-4:00 ng hapon gamit ang isang patalim.
Siya ay napigilan ng kapwa empleyado at kalaunan ay isinuko sa mga awtoridad.
Batay naman sa impormasyong nakalap sa fire department, walong tao ang nagtamo ng sugat dahil sa pananaksak, habang pito naman ang posibleng naapektuhan ng ini-spray na likido.
Kinumpirma ng Yokohama Rubber na ang lahat ng 15 nasugatan, na may edad mula 20s hanggang 50s, ay kanilang mga empleyado.








