Nagsagawa ng payout para sa mga benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD sa bayan ng Binmaley sa pangunguna ng tanggapan ng Public Employment Service Office o PESO.
Ayon kay Ma. Fatima Anne Delos Reyes, nasa 148 benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay ang tumanggap ng ayuda sa ilalim ng programa.
Ipinaliwanag nito na layunin ng TUPAD na matulungan ang mga displaced at disadvantaged workers, partikular ang mga naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad at krisis.
Aniya, ang pondo para sa payout ay nagmula sa Department of Labor and Employment katuwang ang DOLE Western Pangasinan Field Office at lokal na pamahalaan ng Binmaley.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng kabuuang P10,100 matapos magsagawa ng 20 araw na trabaho na may katumbas na P505 na sahod kada araw.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga inirekomenda mula sa 33 barangay sa bayan gayundin ang ilang indibidwal na may kaugnayan sa programang inendorso ng Bureau of Jail Management and Penology.
Patuloy namang hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga kwalipikadong residente na makiisa sa mga programang pangkabuhayan upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.










