Sa kabila ng pag-ulan, itinuloy ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang pamamahagi ng Social Pension (SocPen) sa 114 kwalipikado at rehistradong senior citizens noong Agosto 19, 2026.
Sa pangunguna ni Mayor Pedro A. Merrera III, tumanggap ng tig-₱3,000 ang bawat benepisyaryo bilang social pension. Dagdag na tulong naman ang personal na ipinagkaloob ni Merrera na tig-₱200 sa mga senior citizen para magamit bilang pamasahe sa kanilang pag-uwi.
Ayon kay Leon Castro Jr., OSCA Binmaley President, kabilang ang 114 na benepisyaryo sa mga senior citizen na dumaan sa validation at naging kwalipikado sa Social Pension for Indigent Senior Citizens. Patuloy din ang proseso ng validation upang matukoy ang iba pang senior citizens na maaaring maisama sa programa.
Samantala, nakatakda ring ipagpatuloy ang pamamahagi ng ikatlong tranche ng social pension para sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Ang SocPen ay nakatuon sa mga indigent senior citizens, habang patuloy namang isinusulong ng mga kinatawan ng sektor ng nakatatanda ang universal pension para sa lahat ng senior citizens na edad 60 pataas.
Bukod sa social pension, ipagpapatuloy din ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng birthday gifts para sa mga senior citizen sa pamamagitan ng lokal na pondo. Nakatakda rin ang mga programa para sa mga octogenarian, nonagenarian at centenarian bilang pagkilala sa kanilang mahabang buhay at ambag sa komunidad.
Sa kabila ng masamang panahon, naging tuloy-tuloy ang serbisyo ng lokal na pamahalaan upang maihatid ang tulong sa mga nakatatanda. Katuwang sa isinagawang pamamahagi ang Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pangunguna ni Castro at mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Patuloy na nakatuon ang Pamahalaang Bayan ng Binmaley sa pagbibigay ng suporta at mga benepisyo sa senior citizens, lalo na sa mga higit na nangangailangan, bilang bahagi ng patuloy na serbisyo at paglingap sa mga nakatatanda.










