Nanawagan ang Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers o ASSERT na huwag awtomatikong isisi sa mga guro ang mga insidenteng nagaganap sa loob ng paaralan, kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga. Iginiit ng grupo na bagama’t malaki ang impluwensya ng mga guro sa mga mag-aaral, hindi lamang paaralan at guro ang nakaaapekto sa pag-uugali ng mga bata.


Ayon kay ASSERT National President Arlene James Pagaduan, maraming salik ang kailangang isaalang-alang sa paghubog ng asal at desisyon ng mga kabataan. Reaksyon ito sa mga naging pahayag ng ilang opisyal ng pamahalaan kaugnay ng papel ng mga guro sa paghubog ng mga mag-aaral. Iginiit ni Pagaduan na hindi dapat magkaroon ng paglalahat sa buong teaching profession batay sa isang insidente.


Tatlong panawagan ang binigyang-diin ng grupo—accountability, dignidad para sa mga guro at collective responsibility sa pagprotekta at paggabay sa mga bata. Ayon sa ASSERT, hindi lamang tungkulin ng mga guro ang paghubog at pagmonitor sa mga mag-aaral dahil kailangan din ang pakikipagtulungan ng mga magulang, paaralan, pamahalaan at komunidad.

--Ads--


Samantala, sinabi ni Pagaduan na mahalagang suriin din kung paano nakarating ang armas sa kamay ng isang kabataan, lalo na’t may mga naitala nang katulad na insidente sa ibang lugar. Para sa grupo, dapat maging bahagi ng mas malawak na imbestigasyon ang pinagmulan at access sa armas, kasabay ng pagsusuri sa mga sistema para mapanatili ang seguridad sa mga paaralan.